Monday, February 8, 2010

short story - (TAGALOG)

WALANG KAPALIT

Likas sa atin ang pagiging mapangarapin. Magmula sa ating pagkabata, nangangarap na tayo. Tayo’y punong puno ng determinasyon at pag-asa na kaya nating kamitin ang mga ninanais. Subalit, kung minsan, sa kagustuhan natin na matupad ang pinapangarap, nakagagawa tayo ng mga desisyong hindi natin inaasahan na magdudulot ng labis na dalamhati at kabiguan sa huli.

Ganito mailalarawan ang pangyayari sa buhay ni Dina, isang ina na labis na nangangarap para sa kanyang mga anak. Nagsumikap siya kasama ng kaniyang kabiyak na si Efren. Ang magasawa ay nabiyayaan ng tatlong anak si Diane ang panganay, si Ellaine, at si Jap, ang bunso.

Si Dina, bilang isang mahusay at akademikong guro, at si Efren, isang tapat na pulis, ay buong tatag na hinaharap ang mga pagsubok ng kanilang pamilya sa buhay. Magkatuwang nilang pinalaki ng may pagmamahal sa diyos, may malasakit sa kapwa at may takot sa diyos ang tatlo nilang anghel. Hindi nila alintana ang pagod, hirap, at mga sakripisyo nila para sa pamilya. Matibay ang paniniwala nilang hindi nila kailangan ng pera upang makamtan ang tunay na kaligayahan. Sapat nang sa araw-araw ay nakararaos ang kanilang pamilya. Ayon pa kay Efren “Ang mahalagay magkakasama tayo, Masaya at nagmamahalan”.

Isang araw, habang papauwi si Dina sa kanilang tahanan galing sa paaralan, malayo pa siya ay natatanaw na niya ang mga tao na nagdadagsaan sa kanila. Kalaunay nakatanaw siya ng mga pulis. Hindi niya maisip kung ano nga ba talaga ang mayroonmarami kasi ang posibleng nangyari. Upang alamin ang tiyak na pangyayari, nagpatuloy siya sa paglalakad. Ramdam niya ang kaba at takot ng mga sandaling iyon. “Papa!... Papa!...”, ang nananangis na ingay ng kanyang narinig mula sa loob kasabay ng mga bulungan ng mga taong nasa labas ng kanilang tahanan. Pagkarinig sa ingay ay lalong kumabog ang dibdib ni Dina kasabay ng pagkakatulala at mabilis na pagdaloy ng mga butil ng luha sa kanyang pisngi. Halos himatayin siya sa kanyang nakita. Pagtuntong ng kanyang mga paa sa kalapit na pinto ay bumulagta sa harapan niya ang asawa, yakap-yakap ng kanyang mga anak, duguan at wala ng buhay.

Wala na si Efren, ang mapagmahal, responsable, maunawain, at ulirang asawa at ama ng kanyang pamilya. Dahilang siya’y napagbintangan na nagsumbong at nagturo sa kapitbahay nilang drug pusher, ngunit ang totoo’y nais lamang niyang isabuhay ang kaniyang sinumpaang trabaho, siya’y napag-initan ng pamilya ng suspek at walang awang kinitilan ng buhay.

Si Dina, kasama ng kanyang mga anak at kamag-anak ay labis-labis ang pagdadalamhati sa nangyari. Hindi nila matanggap ang nangyari. Hustisya ang isinsigaw ng bawat isa sa kanila ngunit ang ika ni Dina “Anumang hustisya’y ‘di kayang ibalik ang buhay ng aking asawa. Wala na ang ama ng aking mga anak. Pamilya pa bang matatawag ang tahanang inalisan na ng haligi? Anong hustisya ang may kakayahang bumuo ng pamilya na nasira na? Wala! Wala! Ang lamat ay mananatiling lamat. Kahit kailan, ‘di na mabubuo”. Kasabay nito ang panangis niya. Walang tigil ang pag-agos ng luha mula sa bawat isa sa kanila. Halos madurog ang puso ng mag iina. Hindi nila lubos naisip na sa isang iglap ay binawi sa kanila ang asawa at amang walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang pamilya at ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang pamayanan.

Hindi naging madali para sa pamilya ni Dina na magsimulang muli. Mahabang panahon ang ginugol nila bago matanggap ng lubos ang nangyari.

Sa kabila ng nangyari, nagpatuloy si Dina kasama ng kanyang mga anak sa paglalakbay sa buhay na puno ng pagsubok. Sama-sama nilang ipinagpatuloy ang pagsasakatuparan ng mga pangarap na noo’y binuo nila kasama si Efren. Walang takot silang humarap muli sa buhay.

Si Diane, ang panganay na anak nina Dina at Efren ay nasa ikatlong taon na sa kolehiyo na kumukuha ng nursing. Samantalang si Ellaine naman ay nasa ikatlong taon na sa sekondarya. Labis na nalulungkot si Ellaine sapagkat ‘di matutunghayan ng kanyang ama ang pag-akyat niya sa entablado upang tanggapin ang kanyang diploma. Wala siyang mapagsidlan ng lungkot at panghihinayang sapagkat nangako pa sa kanya ang ama bago ito pumanaw, na siya ang kasama nitong aakyat sa entablado sa araw ng kanyang pagtatapos. Ngunit ito’y nanatiling isang pangako lamang. Kaakibat ng lungkot ay ang poot at galit sa puso niya sa pumatay sa kanyang ama. Lingid sa kanyang kaalaman at natutunghayan niya kung gaano kabigat para sa Mama at mga kapatid niya ang pagkawala ng kaniyang Papa. Si Ellaine ay nangarap na maging abogado. Nais niyang ipaglaban ang hustisya para sa mga tunay na naapi, at dahil hindi mabigyan ng tamang katarungan ang pagkamatay ng kanyang Papa, siya ay naging determinado at nangakong siya ang tatapos ng kaso ng kanyang Papa kapag siya’y nakatapos ng abogasya.

Sa pagdaan ng panahon, patuloy sa pakikibaka ang pamilya ni Dina. Sa kagustuhan niyang magkaroon ng magandang buhay ang kanyang mga anak. Mahirap para sa kanya na gawin ito sapagkat kailangan niyang iwan ang kaniyang mga anak at ang paniniwala nilang mag-asawa noon ay kailangan niyang baliin. “Pera lang ang makatutugon sa pangangailangan natin, ito lang ang tanging paraan para mapag-aral ko kayo at mabigyan kayo ng magandang buhay”. Ito ang madalas na paliwanag niya sa mga anak kapag pinipigilan siya ng mga ito. Labis ang pagtutol ng mga anak niya sa kanyang desisyon, lalo na si Diane. “Ma, pwede naman po akong huminto na sa pag-aaral ko, makakahanap din po ako ng maganda-gandang trabaho. Ako na po ang magpapaaral kina Ellaine at Jap! Wag ka nang umalis ‘Ma. Wala na si Papa, pati ba ikaw, iiwan mo kami? Ma ‘di ko po alam kung buhay pang matataw ang buhay namin kapag umalis kapa. Please, ‘wag ka ng umalis”,wika ni Diane nang makausap niya ang ina sabay yakap ng mahigpit dito. Ramdam ni Dina ang labis na pagmamahal ng kanyang anak. Awang- awa siya rito ngunit hindi siya nagpapigil. Isang linggo bago ang pagtatapos ni Ellaine ay nagtungo siya sa Baltimore, USA upang doon magturo. “anak patawarin ninyo ako. Sana maintindihan n’yo ako. Para sa inyo din itong gagawin ko. Mahal na mahal ko kayo”. Labis-labis ang galit na nararamdaman ni Diane sa ina. Pakiramdam niya ay tinalikuran sila ng kanilang Mama. Hindi siya pinakinggan ng ina kung kaya’t nagtanim siya ng galit dito.

Sa paglipas ng panahon, lalong naging matigas si Diane. Hindi niya sinasagot ang mga tawag ng kanilang Mama. Si Ellaine ang nakikipag-usap dito at kung minsan nama’y si Jap.

Napakahirap ng sitwasyon ni Dina, walang gabing hindi siya umiiyak dala ng labis na pangungulila sa mga anak. Kasabay pa nito ang di-biro niyang trabaho doon. Ang mas masakit pa, hindi man lamang siya kinakausap o kinakamusta ni Diane. May mga pagkakataong nais na niyang sumuko pero dahil sa kaniyang mga anak ay pinipilit niyang maging matatag.

Si Ellaine ay nasa ika-anim na taon na ng kanyang kurso. Determinado siyang makatapos. Ngayon, hindi lang upang ituloy ang laban ng kaso ng kanyang ama kapag siya’y nakatapos, para narin mapauwi na niya ang Mama nila at maging maayos na ang buhay nila. Malaki ang pagnanais niyang mapag-ayos ang Mama nila at ate niya. Samantala, si Jap ay malapit nang magtapos ng kursong engineering nang nabuntis niya ang kanyang kasintahan. Nagtapos parin siya ngunit hindi gaya ng inaasahan, hindi siya nakahanap ng magandang trabaho sapagkat hindi na siya nakapag-take ng board exam dahil kinakailangan na niyang magtrabaho kaagad para matustusan ang magiging pamilya niya.

Nakarating ang balita kay Dina. Labis ang panlulumo niya. Lalo pang nadagdagan ang mga iniisip niya kung kaya’t lalo pa siyang nahirapan. Simula noon, hindi na kailanman napanatag ang loob niya.

Makalipas ang dalawang taon, si Dina ay makakauwi na sa wakas. Magtatapos na ng abogasya si Ellaine. Ang lungkot at pagdurusa ni Dina ay napalitan ng kaligayahan sapagkat natupad na ang pinapangarap ng kanyang anak. Hindi man nagging lisensyadong engineer si Jap, nagpapasalamat parin siya sapagkat napag-aral niya ito at si Diane ay isa naring rehistradong nars. Hindi man naging sapat ang katuparan ng mga pangarap niya para sa mga anak siya’y masayang masaya dahil makakasama na niya ang mga ito. Samantala, hindi parin mapalagay ang loob niya nang maisip si Diane. Ngunit sa kabila nito, pinilit niyang labanan ang takot na harapin ang anak. Buong tapang siyang bumalik ng bansa baun-baon ang mga naging karanasan sa bansang kanyang pinagtrabahuhan at ang mga plano niya para sa pamilya.

Sa wakas… nakauwi na si Dina. Mababakas sa kanyang muka ang hirap na dinanas sa Baltimore ngunit masasalamin naman ang labis na kasiyahan. Mahigpit niyang niyakap ang mga anak at ang luha’y bumuhos mula sa bawat isa sa kanila. No’ng una’y nagmamatigas pa si Diane subalit ‘di nagtagal ay ‘di rin niya natiis ang ina. Nangako siya rito na pupunuan niya ang mga pagkukulang sa ina. Gayon din ang pangako ni Dina sa mga anak. Muling umusbong ang pag-asa sa pamilya. Nabuong muli ang pag-ibig, pagkakaisa, at pagdadamayan sa pamilya. Dahil dito hindi matatawaran ang kasiyahang nadarama ni Dina. Subalit sa ‘di inaasahang pagkakataon, dalawang buwan matapos ang pagtatapos ni Ellaine, si Dina ay binawian ng buhay dahil sa kanser sa utak.

No comments:

Post a Comment